Pinipilit kong isipin kung ano ang paborito kong episode ng I-witness. PInipilit kong pumili… ah alam ko na… si “Udong”, na nagta-trabaho para me pambayad sa utang. O ang “Little Baguio” kaya kung saan kinakailangan pa nilang magsunog ng tsinelas para me ilaw sila na nagagamit para lang makapag-aral sa gabi….si Udong na nga lang, na sa murang kaisipan ay namulat sa kahirapan, iniiwan ang pamilya, ang kabataan, ang mga pangarap, para kumita, at makabayad sa utang, makatulong ng konti sa mga magulang. Ahhhhh! Mahirap mag-isip… lalo na kung sa bawat episode kakaibang karanasan ang makikita mo… mga totoong karanasan. Karanasan na naglalarawan ng kahirapan ng buhay…ah yun pala ang mga gusto ko sa mga episodes ng I-Witness.
Sa gaya nating nakatira at lumaki sa lungsod, mahirap isipin kung paano ang buhay sa mga taong tulad ni Udong. Minsan naisip ko, “me natitira pa kayang pag-asa sa puso nila?” siguro meron, kaya nga sila nagsisikap eh.
Halimbawa lang sila ng mga milyon-milyong Pilipino na naghihirap at nagsisikap para kumita ng konti. Kung dati “isang-kahig-isang-tuka” ang tawag sa kanila, ngayon “limang-kahig-isang-tuka” na.
Nang mapanuod ko si Udong, lalo kong nakilala ang sarili ko. Lalo akong nagging mapag-pasalamat para sa mga bagay na meron ako at sa pagkakataon na makilala ko ang mga tulad nila. Natanong ko tuloy ang sarili ko, “Ano ba at magkano ang kailangan nila para magkaroon ng kaunting kaginhawaan?” Maliit lang. Kung tatanungin mo sila, di sila hihingi ng pera. Oportunidad ang kailangan nila. Pagkakataon na kumita ng tama at sapat, pagkakaroon ng oportunidad na magkaroon ng edukasyon para magkaroon sila ng pagkakataon na kumita ng sapat pag dating ng araw. Gaya din ng mga pulubi sa daan, na mas matutuwa kung bibigyan mo ng trabaho kesa pera. Mga bagay na di napapagtuunan ng pansin ng mga dapat ay gumagawa noon – ang mga tao sa gobyerno. Kung tutuusin, napakaliit lang nun kumpara sa gastusin ng isang opisina sa ilalim ng Office of the President, o sa gastusin nya sa byahe, o kahit sa representation allowance man lang ng mga Congressmen at Senators.
Sa bawat episodes na naglalarawan na tulad ng buhay ni Udong, nahihirapan ako, sinisisi ko ang gobyerno, sa kakulangan nila ng mga programa para sa mga kababayan nating naghihirap. Gusto ko silang tulungan pero ano ang gagawin ko? Kung ang pamilya ko mismo ay di ko mabigyan ng katamtamang buhay? Ah alam ko na…gusto kong magpahayag na tulad nina Kara, Jay, Sandra, at Howie. Baka sa gagawin ko, mapukaw ko ang atensyon ng mga taong me kakayahang tumulong sa kanila. – sdp